October 17, 2009

Isang Dakilang Promdi

Kadalasan pag ako'y nagninilay-nilay naiisip long bumalik sa aking munting bayan para doon manirahan. Subalit mahirap naman yata. Mukhang hindi ko na kayang bumalik doon. Nasanay na ko sa buhay ko sa lungsod. Mabilis. At mabilis din kumita ng pera. Pag bumalik ako doon, ano gagawin ko? Wala yatang hanap-buhay na aangkop sa akin doon. Pero ewan ko ba. Parang gusto ko e. Di pa lang yata napapanahon pero malay natin, doon rin pala ako tatanda.

Meron akong kakilala. Kakaiba siya sa akin sa maraming bagay. Mataas din ang kanyang pinag-aralan, matatas magsalita, matalino. Nagtrabaho sa iba't ibang bansa, nagkapera. Pero nasaan siya ngayon? Ayun, andun. Bumalik sa bayan namin. Nagtatanim ng gulay, naggagantsilyo, naghahabi ng kung anu-ano. Naghuhukay ng butones. Nagpipinta. Di ko maarok kung paano niya nagagawa lahat ito. Di ko talaga minsan masakyan trip nya.

Nakakapagtaka paano nakakapagtanim ng gulay at kung anu-anong halaman ang isang gradweyt ng Ateneo de Manila. Akala mo mga sosyal ang mga galing doon. Kakaiba talaga itong taong ito. At nagtuturo pa kamo. Sa mas matatanda sa kanya. At sa mga lalaking magsasaka, magpamatanda man o bata. O di ba, kakaiba?


Trip niyang kumalikot ng kung anu-ano, at nakakabuo din ng kung anu-ano. Maghapon siya nagiimbento ng mga bagay na puwedeng pagkaabalahan, at pagkakitaan na rin. Akalain mong sumikat siya sa paggawa ng mga polseras na gawa sa butones? Marami na siyang naging disipulo dahil sa polseras na yan. Kakaiba naman kasi, at magaganda ha, in fairness.

Ang maganda sa kanya, hindi sya madamot. Nagtuturo sya. Ibinabahagi nya ang kanyang mga nalalaman sa iba. At nagpapaaral pa. Sinasabi ng iba, wala naman syang madaming pera pero bakit andami-daming taong nakasalalay sa kanya? At bakit andaming taong naniniwala sa kanya?

Sa iba mahirap intindihin yun. Pero sabi nitong kakilala ko napakadaling dumating ng pera kung marunong kang magbigay. Sabi nya sa akin minsan, hindi nya din daw alam kung saan nanggagaling ang lakas at sipag nya. Sa bawat araw na ginugugol nya sa pagbibigay sa iba, nakakayanan nya na lang ang lahat. Pati ang minsanang mga paghahamak galing sa ibang di nakakaunawa.

Mahilig talaga syang magbigay ng inspirasyon sa kabataan. Para sa kanya, maraming bagay na magaganda sa mundo at sayang lamang kung di mo pakikinabangan. Lahat tayo may angking ganda at talento. At lahat tayo ay may mabuting kalooban. Di lang natin napapansin dahil di natin tinitingnan. Guilty nga ako doon e. Madalas kasi ako magsenti at mag-isip ng negatibo.

Di ko man siya minsan maarok pero alam nyo bang sinubaybayan ko ang buhay niya? Natututo akong makinig? At tumulong kahit papaano? At aminin sa sarili ko na ako ay maganda at magaling? Hindi lang naman yata ako kundi marami pang iba dyan na sumasaludo sa kanya. Para na nga kaming isang kulto e.

Itong kaibigan kong promdi, nakukuntento na lang sa pagsakay sakay ng bus papuntang Maynila paminsan-minsan. Alam nyo ba kung bakit? Sa bus lang yata sya nakakatulog ng mahaba-haba dahil mahaba din ang biyahe. Dahil pagbalik na naman nya sa bayan namin pagkatapos ng ilang araw, aligaga na naman sya. Sa kung anu-anong mga bagay. Sa kung kani-kaninong mga tao.

Kaya ko bang bumalik sa bayan namin at doon manirahan? Siguro pagdating ng panahon. At gustong gusto ko yun. Dahil sa kakilala kong promdi, naisip kong masaya pala ang buhay doon. Simple lang pero napakasaya. Napakaginhawa. Dahil ang buhay natin ay hindi lang umiikot sa paghahanap-buhay, pagpapakasarap, pakikipagsosyalan. Pwedeng pwede kang maging masaya sa simple. Ang hindi ko lang maipangako, ang maging katulad nya. Baka hindi ko ma-carry, ita-try ko lang. Kasi promdi ako gaya ng iba, pero di ako dakilang promdi kagaya nitong kaibigan ko.
Mabuhay ka.

Isang Dakilang Promdi is the first F.A.R.M. blog written in Filipino.

No comments:

Post a Comment